Martes, Enero 14, 2014

Bayan ko, ipaglalaban ko



BAYAN KO, IPAGLALABAN KO
MARIE GRACE P. ABOT

    Mga Tauhan:
          Mang Tomas
          Mang Pedring

          Noong unang panahon, sa bayan ng Dasmariñas, makikita ang katahimikan ng lugar. Kakaunti pa lamang ang tao. Malawak ang paligid. Mataas pa ang mga damo. Madalang pa ang pagdaan ng mga sasakyan papuntang Maynila, kaya ang mga taong nagtatrabaho doon ay nahihirapan, dahil kailangan nilang gumising ng medaling-araw para maagang makaluwas ng Maynila.

          Dalawang pamilya ang katutubo rito: ang Valderama at Santos. May maliit na bukirin na kalimitang sinasakahan ng sarisaring gulay at prutas, ang una. Samantalang naghahayupan naman ang pangalawa. Palibhasa'y magkakapitbahay, magkakapatid silang nagtuturingan.

       Isang araw, nagkita sina Mang Tomas at Mang Pedring habang papaluwas.

      "Mang Tomas, kumusta ang luwas natin sa Maynila? Malaki ba ang kinita natin?"

      "Hay naku! Mang Pedring, 'pag minamalas ka nga naman, hindi sasapat ang iyong kinikita para lamang sa inyong pamilya. E, ikaw ba ay suwerte?"

      "Huwag mo nang itanong at pareho lamang tayo! Alam mo ba naiisip ko parang walang mangyayari sa atin kung parati tayong ganito. Malabo tayong umasenso sa hirap ng buhay. Kung may maliit sana tayong mapagkakakitaan kapag hindi tayo lumuluwas."

      "Aba, pareho lang pala tayo ng naiisip . Pero pare, may naiisip akong paraan, ewan ko kung sasang-ayon ka."

       "Ano ba iyon Mang Tomas?"

       "Pwede tayong magkaroon ng maliit na pagkakakitaan sa mga alaga natin. Gaya ng pagtatayo ng isang maliit na palengke. Ang mga tao, kailangan pa nilang pumunta sa malalayong lugar para lamang sa kanilang pangangailangan. Pwede mo ring katayin ang mga alaga mong hayop at ako naman, ang pagtitinda ng prutas at gulay."

      Sa simula, mahina ang kanilang benta, ngunit sa katagalan, naging mabili na rin at lalong dumami ang kanilang suki. Katulong ni Mang Tomas sa pagtitinda ng
 gulay  ang kanyang asawang si Aling Binang at ang dalawa nilang anak na sina Leann at Bitoy. Masaya ang mag-anak sa kanilang ginagawa.

       "Itay, alam n'yo, natutuwa po kami kasi hindi na kayo kailangan pang umalis papunta ng MAynila." Sabi ni Leann na kitang-kita ang kasiyahan.

       "At lagi na rin po tayong magkakasama." Sabad ni Bitoy.

       Napalingon sila ng magsalita si Aling Binang.

       "Kaya kayo, pagbutihin ang pagtatrabaho, pagsisipag at laging magdasal sa biyaya ng ating Panginoon."

       Sabay ngiti ng mag-aama.

       Sa kabilang dako, makikita rin ang kaabalahan sa pagtitinda ng isda, baboy, at manok nina Mang Pedring at ang asawa nitong si Aling Pilar, kasama rin ang kanilang nag-iisang anak na si Jona.

       "Alam mo ba, Pedring, natutuwa ako sa magandang paraang ito na ginawa ninyo ni Mang Tomas. At ayun nga, lagi nang madalas naming pag-uusapan ni Aling Binang. Kasi naman, Hindi niyo na kailangan pang lumayo para magtrabaho, at kitang-kita na kailangang-kailangan pala rito sa ating lugar," laking tuwang sabi ni Aling Pilar.

       "Hindi na rin tayo nahihirapang tustusan ang mga pangangailangan natin," dagdag pa.

       "Kaya 'Nay, 'Tay, ibili niyo na ako ng bagong damit at sapatos. Wala pa akong gamit," sabay tawa ng lahat.

        Ang buhay ng mga taga-Dasmariñas ay unti-unting umuunlad. Nagkaroon ng ilang eskuwelahan, publiko a pribado. NAgkaroon din ng ospital at dumami ang kabahayan, gayun na rin ang sasakyan. Dumagsa ang mamimili. Nagkaroon na rin ng katulong ang dalawang pamilya sa pagpapalakad ng kanilang negosyo. Lumilipas ang mahabang taon, nagbago na ang lahat.

        Nakita ni Mang Tasyo kung paano umuunlad ang palengke. Si Mang Tasyo ang Mayor ng lugar. Dala ng kasakiman, gusto niyang kamkamin ang lahat ng bagay na mayroon ang taong bayan. Pinatupad niya ang batas ng pangungurakot na tinutulan nang karamihan. Ngunit dahil na rin sa lakas ng hawak na impluwensya at kapangyarihan nito, hindi na nagawa pang tumanggi ng taumbayan.

        Habang papauwi na sina Mang Tomas at Mang Pedring, Masaya silang nagkukwenuhan.

        "Mang Tomas, maraming salamat sa pagbibigay mo nang magandang ideya para kumita tayo nang mas malaki-laki."

       "Mang Pedring, 'wag mong isipin iyon dahil kung hindi mo agad naisip, malamang na hindi ko maimumungkahi sa iyo. Kaya para walang away, tayong dalawa ang nakaisipng paraang iyon."
         "Alam mo ba bilib talaga ako sa iyo!" Ay! Teka nga pala, hindi ba wala pang pangalan ang palengke natin? Gusto mo tayo na rin ang magbinyag?

         "Sige, Santos at Valderama Market, puwede ba iyon?"

         "PEDTOM". Pamimilit Mang Tomas.

         "Ah, alam ko na, naglalakad tayo nang maisip natin."

         "Di ba isip, diwa? Bakit natin hindi subukan ang "LAKADIWA" Ano sa palagay mo? Tanong ni Mang Tomas.

         "Maganda, pero medyo mahaba. Bawasan natin ng dalawang letra para maging kakaiba sa pandinig."

        "Ah, alam ko na Pareng Tomas, KADIWA" dagling sagot ni Mang Pedring

        "Oo nga! "WELCOME TO KADIWA." At sabay tawa ng dalawa na animo'y mga batang tuwang-tuwa.

        Kinaumagahan, maagang gumising sina Mang Tasyo at Aling Binang para magbukas ng tindahan, kasabay sina Mang Pedring at Aling Pilar.

        "Oy! Mang Pedring, Aling Pedring, matanong ko nga kayo. Papayag ba kayong patuloy  mangurakot sa mamamayan ang 'yang ating Meyor? Alam nilang sapat lamang ang kinikita natin sa pang-araw-araw e, kukuhaan  pa nila. Kailangan sigurong makaisip tayo ng paraan para mapigilan ang masamang Gawain ng mga tauhan ni Meyor? Aba, baka ang mangyari niyan ay magbalik tayo sa wala!"

         Bumuntunghininga si Aling Binang, halatang mababakas ang pag-aalala. Sumagot si Mang Pedring, "E, Aling Binang, ayan nga po ang problemang dapat nating harapin at hindi pa naming napag-uusapan iyan ni Mang Tomas. Hindi na sana natin ibinoto 'yan bilang Meyor. Pero huli na. Magtiis na lang tayo muna ng dalawang taon bago natin siya mapalitan."

         "Pareng Pedring, ano kaya kung magpulong tayo ng tungkol diyan? Natitiyak kong sasang-ayon at sasapi ang lahat."

         "Ano 'yong kadiwa?" tanong ni Mang Pedring

         "Kadiwa, ano iyon?" pagtatakang tanong naman ni Aling Binang

         "At saan naman ninyo napulot ang salitang iyan, Aber!" dagdag pa nito

          "Aling Binang, iyan po ang pangalang itatawag natin ngayon sa ating palengke."
           "Aba, maganda na rin iyon para makilala naman ang ating palengke."

           "Mabuti na rin iyang naisip ninyo dahil kay tagal na nitong walang pangalan simula nang mag-umpisa tayong magtinda." Sabad ni Aling Pilar na may pagsang-ayon.

            Habang abala ang mga tinder at mamimili sa kani-kanilang transaksiyon, narinig na lamang nila ang pagwawala ng isang lalaki, at armadong kalalakihan.

            Mababakas ang malaking takot sa mukha ng isang matandang babae. Na hindi naman lingid sa kaalaman nina Mang Pedring at Mang Tomas.

            "Magbibigay ba kayo o kailangan ko pang was akin ang inyong paninda?" sigaw ng isang lalaki.

           Agad na lumapit ang dalawa sa nag-iingay na mga kalalakihan.

           "Kapatid, maaari ba na hayaan mo na ang babaing iyan. Bakit hindi na lamang kayo maghanap-buhay at kailangan pang kunin ang hindi sa inyo!" Makikita ang kahandaan nina Mang Pedring, saman-talang nangangamba naman ang kani-kanilang asawa.

           "Bakit ka ba nakikialam, may magagawa ka ba, ha? Mabuti pa ay tumahimik na lang kayo! Magbigay na lang kayo!" sa binalingan ang isang matandang lalaki pilit na kinukuha ang pera. Hindi ito pinalampas nina Mang Tomas at Mang Pedring. Inagaw nila ang baril at nagpambuno sila. Tumulong din ang kalalakihang nagtatrabaho sa palengke. Agad nilang ginapi ang kalaban at binantaang huwag nang bumalik pa. Lumisan na ang mga kaaway. Masayang ipinagpatuloy ng mga tindera ang kanilang pagtitinda. Mababakas sa kanilang mga mukha ang siguridad na hindi na muling gagambalain ng mga kaaway. Nagpatawag ng pagpupulong sina Mang Pedring at Mang Tomas hinggil sa mga nagaganap sa kanilang lugar.

           "Oo, sumasang-ayon kami sa inyong desisyon."

           Wala ni isang tumutol. Inumpisahan nila ang proyekto. Naglagay sila ng karatulang "WELCOME TO KADIWA" at kumuha ng taong maglilinis sa mga basura. Nilagyan nila ito ng bubong na bago para sa proteksyon sa init. Unti-unti namang nagbago ang lahat, at umaasa rin silang hindi na nga magbabalik ang mga kaaway. Ngunit, lingid sa kanilang kaalaman, may masamang balak si Mayor Tasyo at ang mga alagad nito.

           "Hindi ako makakapayag na mawala na lamang na parang bula ang mga pinaghihirapan natin. Kailangang makahanap tayo ng paraan upang masindak natin ulit sila." Sabi ni Meyor

           "Meyor, magagawa lamang natin iyan kung mawawala sa landas natin sina Mang Tomas", pahayag ng isa.

           "Sino sila? Anong kinalaman nila rito, ha? pagtatanong ng Meyor.
          "Sila po ang nagpapatupad ng bagong organisasyon sa Kadiwa,at handa ang lahat para makipag-laban," sabi naman ng isang goon.

          "Palagay ko, hindi problema iyan. Ang mabuti pa, tawagin mo silang dalawa at kakausapin ko."

          "Paano po kung hindi sila pumayag? Tanong ng isa.

          Pagalit na nagsalita ang Meyor,  "Hindi nila ako maaaring bastusin. Sa ayaw at sa gusto nila, pupunta sila rito."

          "Kailangan po bang kaladkarin naming sila para dalhin namin sila rito?" tanong pa nila.

          "Titingnan muna natin." Sabay tango na halatang may masamang binabalak laban kina Mang Tomas at Mang Pedring.

           Sa kabilang dako, sa bahay nina Mang Pedring nag-usap-usap sila.

           "Mabuti na lamang pare, natapos na ang paghihirap natin at tumigil na rin ang tauhan ni Meyor," nababakas ni Mang Tomas ang pagtitiwala.

           "Paano kung nagpapalipas lamang sila para masabi nating wala na nga. Ano ang gagawin natin?" tanong ni Aing Pilar habang naglilinis ng bigas.

           "Kung hindi sila makuha sa santong dasalan, kunin sa santong paspasan." Makikita ang sinsiridad sa mukha ni Mang Pedring.

           "Huwag n'yong sabihin na makikipagpatayan kayo," takot na tanong ni Aling Pilar.

           "Kung kinakailangan, gagawin naming para matigil lamang ang katiwaliang ito. Dahil walang mangyari kung patuloy lamang tayong  mananahimik," Sagot ni Mang Pedring.

          "Hay naku, kung ganyan nang ganyan mabuti pang umalis na lamang tayo sa lugar na ito. Ayoko pang mawalan ng asawa," pahayag ni Aling Binang na ang tinutukoy si Mang Tomas.

           "Bayani naman kaming matatawag ni Mang Pedring. Hindi ba pare?"

            Tumangu-tango si Mang Pedring at aaktong iinom nang biglang nagkakatok ang kanilang anak.

            " 'Nay, 'Tay, madali po kayo at may naghahanap kina Mang Tomas at kay Itay," pahingal na pagsasalita ng mga bata.

            Binuksan nila ang pinto at nakita nila ang mga tauhan ni Meyor. Nang papalapit na sila, agad nagsalita ang isa.

          "Kayo ba si Mang Tomas at Mang Pedring?" sabay tingin sa tinuukoy.

           "Oo kami nga. Anong  kailangan n'yo sa amin?" tanong ni Mang Tomas

           "Gusto raw kayong makausap ni Meyor tungkol sa ilang bagay." Sagot ng isa.

           "Anong mga bagay? Hindi kami pupunta hangga't hindi namin ito nalalaman. Madiin na sagot ni Mang Pedring at sabay tingin kay Mang Tomas na animo'y pinaghahanda sa anumang mangyayari.

            Hindi na nakapagsalita pa ang mga tauhan ni Meyor. Wala silang nagawa kundi umalis dahil hindi nila nakuha ang pakay nila. Pahabol si Mang Tomas, "Sabihin mo kay Meyor, kung may sadya siya sa amin, siya ang magpunta rito."

            Nagbalik ang mga tauhan ni Meyor na lulugu-lugo.

          "Bakit wala ang dalawang taong iniuutos ko sa inyo?" pagtatakang tanong ni Meyor.

          "Wala nga po. Ayaw nilang sumama. Kayo raw ang magsadya doon at kumausap sa kanila," asar na pahayag ng goon.

           "P'wes, ang kanilang paninda ang uubusin natin. Bukas, gagawa ako ng otorisasyon na walang magtatrabaho sa Kadiwa hanggat hindi sila lumapit at magmakaawa sa akin. Magiging alipin ko sila at magbibigay sila ng parte araw-araw kapalit ng hanapbuhay nila."

           Mabilis ang pangyayari. Kinabukasan, hinarang sila ng mga pulis at pinahihinto ang kanilang pagtatrabaho. Para sa pagpapatunay, dumating si Meyor, tinitingnan kung may tututol sa kanyang ginawa. Samantala, naghihintay ang taong bayan sa pagdating nina Mang Tomas at Mang Pedring. Maya-maya nga ay dumating. Narinig nila ang pagsasalita ni Meyor Tasyo.

          "Kung hindi kayo papaya sa kasunduan natin, mawawalan kayo ng trabaho at maaari kong ipag- bili ang lugar na ito sa mga negosyanteng nagkakainteres dito."

          Nagulat si Meyor nang may nagsasalita sa kanyang harapan na kanya rin namang ikinatuwa dahil dumating na ang kanyang hinihintay.

          "Ganyan ba ngayon ang batas na ipinatutupad ng isang Meyor? Walang ginawa kundi alisan ng karapatan ang taong bayan, matustusan lamang ang pangangailangang gusto niya. Sa simula't simula pa, wala na kayong nagawa para sa taong bayan, pero wala kayong narinig isa man sa amin. Nagsawalang-kibo kami. Hinayaan namin ang maling patakarang ginagawa n'yo. Pagkatapos, pati ba naman ang kabuhayan ng maliliit na tao na aming inaasahan, makikihati pa kayo. Hindi kami makapapayag. Kahit magkamatayan tayo, wala kaming pakialam basta't maipagtanggol lamang namin ang aming karapatan," ang mahabang pahayag ni Mang Tomas na kitang-kita ang galit sa kanyang puso.

          "Kung 'yan ang gusto n'yo, ibibigay ko at wala kayong magagawa."

          Binaril sa balikat ni Meyor si Mang Tomas at nagkagulo ang tao. Hindi naman iyan pinalampas ni Mang Pedring, inagaw niya ang baril sa Meyor. Tumulong na rin ang taong bayan laban sa mga alagad ni Meyor. Marami ang nasaktan, ngunit natigil lamang ang lahat nang dumating ang mga militar. Hinuli sila Meyor, ang kanyang mga alagad at ilang pulis na kasangkot sa kaguluhan.

          Narinig na lamang ang iyakan nina Aling Binang at ng kanyang mga anak sa nakahandusay at duguan si Mang Tomas. Gayundin si Aling Pilar. Patay na sina Mang Pedring at Mang Tomas nang dalhin sa ospital. Maraming nakipaglibing kasabay ng mga kasamahannila sa trabaho.

          Lumipas ang mga araw, nilisan nina Aling Pilar at Aling Binang ang Dasmariñas dahil ayaw na raw nilang maalala pa ang pagkamatay ng kanilang asawa. Samantala, ibinigay na ang pamamahala sa Kadiwa kay Mang Sinon.

          Naging kakaiba na ang Kadiwa, marumi, mabaho, at maingay dahil sa hindi magandang pamamahala, ngunit sa kabila nito, patuloy parin silang nagtitiis mamili rito. Marami pa rin sa mga mamimili ang nagrereklamo sa mga nagtataasang presyo ng bilihin at sa mga pandaraya ng ilang tindera sa palengke.

         Hindi rito nagtatapos ang kuwento ng KADIWA. Marami pa ang hindi nailalathala ng mga naganap dito.

                                                                                                                     Agosto 11, 1997

1 komento: